Blackout sa Bagong Taon
ILOILO CITY – Ilang segundo bago sumapit ang 2008, nabalot ng kadiliman ang buong Iloilo City kung saan nawalan ng serbisyo ng kuryente habang ang mga residente ay nakahandang salubungin ang Bagong Taon.
Napilitan ang mga residente na magdaos ng kanilang “media noche” sa pamamagitan ng kandila habang nagpupuyos naman sa galit si Iloilo City Mayor Jerry Trenas dahil noong Pasko ay nawalan din ng serbisyo ng kuryente sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Ayon sa ulat, muling bumalik ang serbisyo ng kuryente matapos ang 30 minuto, samantalang sinisiyasat na ng mga awtoridad ang dahilan ng malawakang blackout sa nabanggit na lungsod.
Kasunod nito, aabot naman sa 10-sibilyan ang iniulat na isinugod sa Western Visayas Regional Hospital matapos masabugan ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest
- Trending