Naging maalab na Bagong Taon para kay kamatayan ang sinapit ng isang misis na limang buwang buntis na binuhusan ng gasolina saka sinilaban ng sariling mister sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Jose Abad Santos, Davao del Sur kamakalawa ng gabi.
Halos natusta ang buong katawan ni Berlyn Alip, samantala, isinugod naman sa ospital ang suspek na nahaharap sa kasong 2 counts of parricide na si Allan Alip matapos na madilaan ng apoy ang kanyang braso, paa at ari.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente pasado alas-10 ng gabi sa tahanan ng mag-asawang Alip sa naturang munisipalidad.
Sa inisyal na imbestigasyon, nag-away ang mag-asawa matapos sunduin ng biktima ang kaniyang mister na nakikipag-inuman sa mga kaibigan kung saan napahiya ito matapos na kantiyawan ng mga kainuman.
Nabatid na walang kasama ang mag-iina sa bahay kaya pilit na sinusundo ng biktima ang kaniyang asawa na nakikipaglasingan sa kanilang lugar.
Napag-alamang galit na umuwi ang suspek at inabutang natutulog na ang kaniyang misis.
Dahil sa pagkalango sa alak ay nagmamadaling binuhusan ng gasolina habang natutulog ang biktima saka sinilaban.
Gayon pa man ay hindi pa nito nabibitiwan ang hawak na galon ng gasolina kaya pati siya ay nadilaan ng apoy sa braso, paa at maging sa kaniyang ari.
Samantala, dinala naman ang bangkay ng biktima sa bayan ng Maasim, Sarangani upang doon ilibing.