CAVITE – Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa karnapping syndicate ang nasakote ng pulisya matapos maaktuhang nangangarnap ng kotse sa loob ng isang subdivision sa Bacoor, Cavite kamakalawa ng gabi. Inihahanda na ang mga ebidenysa para kasuhan ang mga suspek na sina Gerald Gruta 24; Robert Ludovice, 22 kapwa residente ng Brgy Paliparan, Dasmariñas, Cavite at si Dennis Lim, 35, ng #344 Binondo, Manila. Ayon sa ulat ng pulisya, naaktuhang binubuksan ng mga suspek ang kotseng nakaparada sa harap ng bahay ng biktimang si Jany Lou Canete kaya agad itong tumawag ng saklolo sa security guard ng Camella Sorento Subd. Hindi na nakapalag pa ang mga suspek na may backup pang Hyundai van (ZKU-597) matapos nakorner ng mga pulis-Bacoor. (Cristina Timbang)
2 ‘holdaper’ nasakote
BULACAN – Dalawa sa anim na holdaper ng gasolinahan ang bumagsak sa kamay ng pulisya makaraang tangkain ng mga suspek na holdapin ang isang gas station sa panulukan ng Benigno Aquino Avenue at DRT Highway sa Barangay Tangos, Baliuag, Bulacan noong Lunes ng hapon. Kasalukuyang nakapiit habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga suspek na sina Jessie Sangcap at Joelet Sakamoto. Ayon kay P/Supt. Albert Ocon, hepe ng pulisya ng bayan ng Baliuag, namataan ng mga pulis ang mga suspek na lulan ng dalawang motorsiklo at isang Mitsubishi Adventure (CPJ-451) sa Shell gas station kung saan tangkang holdapin. Napag-alamang nabuko ang modus operandi ng mga suspek matapos matunugan ng mga awtoridad kaya nagpulasan ang dalawang motorsiklo na lulan ang apat na holdaper subalit nakorner naman ang dalawang armadong suspek na nakasakay ng Mitsubishi Adventure. May teorya ang pulisya na sangkot ang mga suspek sa serye ng holdapan ng gasolinahan sa Bulacan. (Dino Balabo)
Lola nilunod ng apo
QUEZON – Isang 74-anyos na lola ang kumpirmadong nasawi makaraang itulak ng sariling apo sa creek kung saan nalunod ang matanda sa Barangay Ibabang Iyam sa Lucena City kamakalawa. Bandang alas-6:30 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Nieves Arcedo ng Purok Sampaloc ng nabanggit na barangay. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Ruel Olarte, alyas “Boknoy” Ayon kina SPO3 Renato Pelobello at PO2 Aldin Ranola, huling namataang buhay ang matanda na nakikipagsigawan sa suspek malapit sa creek bandang alas-5 ng hapon. May teorya ang pulisya na itinulak ng suspek ang kanyang lola sa pagtanggi nitong bigyan ng pera. (Tony Sandoval)