Siyam na mag-aaral ng elementarya ang nagharap ng reklamo laban sa kanilang guro matapos silang paglambitinin sa pintuan ng silid-aralan dahil sa kabiguang magdala ng parol sa eskuwelahan sa bayan ng Dueñas, Iloilo kamakalawa.
Kinilala ang inireklamong guro na si Analiza Quimbo ng Batuan Elementary School sa Barangay Batuan ng nasabing munisipalidad.
Sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, umiiyak na sinabi ng mga biktimang kasama ang kanilang mga magulang na nagreklamo na umabot sa isang oras silang naglambitin sa pintuan at sobrang napagod maliban pa sa kahihiyan nilang sinapit sa mga kapwa mag-aaral sa ikatlong baitang.
Samantala, ang parusang kapag nakabitiw sa paglalambitin sa pintuan ay may naghihintay na pamalong stick mula sa nasabing guro.
Sa panig ng nasabing guro, sinabi nito sa mga awtoridad na hindi niya sinasadya ang nangyari at hindi umabot sa isang oras ang paglalambitin ng mga estudyante.
Ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad upang mabigyang linaw ang insidente. (Joy Cantos)