CAMP VICENTE Lim, Laguna – Tatlong kalalakihan kabilang na ang dating pulis ang naaresto makaraang akusahan sa kasong abduction sa bayan ng San Pedro, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Jolly Dizon, hepe ng San Pedro PNP, ang mga naarestong suspek na sina PO3 Edgardo Marin, dating miyembro ng Lucban police; Engr. Maximo Banaag ng Tayabas, Quezon at si Enrique Samonte, 37, ng Lucena City.
Ayon sa ulat, ang mga suspek ay pinaniniwalaang sangkot sa pagdukot sa biktimang si Godofredo Salvador Jr., 29, ng Sitio Maligaya 1, Barangay San Vicente, San Pedro, Laguna.
Sa inisyal na imbestigasyon, pinasok ng mga suspek ang bahay ni Salvador at isinagawa ang pagdukot sakay ng Isuzu Elf van patungong Cavite.
“Dinukot ng mga suspek si Salvador para i-salvage matapos pagbintangan ito na nagnakaw ng baterya ng sasakyan na pag-aari ni Samonte,” pahayag ni Col. Dizon sa PSN
Dahil doon, mabilis na nagsagawa ng hot pursuit operation ang San Pedro police sa pangunguna ni P/Senior Inspector Timoteo Arciso hanggang sa masagip ang biktima at maaresto naman ang mga suspek mula sa safehouse sa Barangay Nueva, San Pedro, Laguna.
Nahaharap sa kasong abduction, frustrated murder, illegal detention at usurpation of authority ang tatlong suspek habang nakakulong sa San Pedro police station.