MALOLOS CITY – Tuloy na ang P11.5-bilyong proyekto na patubig sa Bulacan matapos lagdaan ang memorandum of agreement ng mga opisyal ng local na pamahalaan at ng pamunuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
Ang paglagda nina Bulacan Gob. Joselito Mendoza at MWSS Administrator Lorenzo Jamora sa Bulk Water Supply Project (Bulacan Bulk) ay naganap sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, may 36-oras matapos pagtibayin ng mayorya ng Sangguniang Panglalawigan sa botong 7-4 noong Lunes ng madaling-araw.
Naging saksi naman sina Manila Water Corporation Inc., (Manila Water president Tony Aquino at Atty. Ria Gomez ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).
Kabilang sa makikinabang sa nasabing proyekto na may kabuuang 1.46-milyong residente ay ang mga bayan ng Bulakan, Bocaue, Balagtas, Marilao, Obando, Pandi, Guiguinto, Sta. Maria, at ang Malolos at Meycauayan.
Kabilang sa unang bahagi ng proyekto ay ang paglalagay ng aqueduct mula sa Norzagaray patungo sa bayan ng Sta. Maria kung saan magtatayo ng paunang water filter plant at ng water reservoir para sa 120 milyong litro ng tubig kada araw at nagkakahalaga ng P5.5-bilyon kung saan matatapos sa 2010.
Nagpahayag naman ng pagtutol ang mga magsasaka sa nasabing proyekto dahil kakapusin sila sa patubig taun-taon. Dino Balabo