BATANGAS – Matapos ang limang araw na search and rescue operation, dalawa pang bangkay ng babae ang natagpuan sa baybayin ng Taal Lake sa bayan ng Talisay, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Senior Supt. David Quimio, Batangas police director, ang dalawa na sina Vilma Tizon ng Malvar, Batangas at Arlyn Tolentino, 35, ng Brgy. Trapiche, Tanauan City, Batangas. Natagpuan sina Tizon at Tolentino na nakalutang sa baybayin ng Sitio Pira-pirasong Pulo bandang alas-11 ng umaga. Sa talaan ng pulisya, ang dalawa ay ang pang-apat at ikalima na namatay kabilang na ang tatlo pang kababaihan na sina Josie Rabor, Meann Hernandez ng Barangay Ambulong, Tanauan City at si Helen Hernandez ng Malvar, Batangas. Matatandaang nauwi sa trahedya ang pakikipamiyesta ng mga biktimang nalunod matapos tumaob ang kanilang sinasakyang banka sa lawa ng Taal habang nasa kasagsagan ng bagyong “Lando” noong Martes ng gabi. Sakay ng dalawang bangka ang 39-katao na papauwi na sa Barangay Sta. Maria sa bayan ng Talisay matapos dumalo sa piyesta ng Barangay Bignay nang maganap ang insidente bandang alas-7 ng gabi. Sa panayam ng PSN kay Eddie Panghulan, Talisay municipal administrator, round-the-clock pa rin ang search and rescue operation ng Municipal Disaster Coordinating Council (MDCC) para hanapin pa ang apat pang nawawala. Arnell Ozaeta