2 komedyante inambus

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Sugatang iti­nakbo sa ospital ang isang komedyante at ang kaibigan nito matapos tambangan ng mga na­pikong customer nito sa bayan ng Biñan, Laguna, kamakalawa ng mada­ling-araw.

Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr., La­guna police director, ang mga sugatang sina Victor  Eusebio, 37, tra­der, ng F. Burgos St.,  Paco, Manila at si Je­rome Mangalino,  23, stand-up comedian, ng Habana St., Sta. Ana,  Manila.

Si Eusebio ay nag­tamo ng maraming tama ng bala sa katawan sa­mantalang tinamaan naman sa kali­wang braso si Mangalino na gina­gamot sa University of Perpetual Help Medical Center.

Samantala, nakaligtas naman ang isa pang ka­samang comedian na si Daxxeno Fowler, 33, ng Panay Avenue, Quezon City.

Ayon sa ulat, papauwi na ang mga biktima sakay ng kulay itim na Honda City (XJX-257) at bina­bagtas ang kaha­baan ng highway na sakop ng Barangay Tu­bigan nang harangin ng dalawang armadong lalaki na  sakay ng motor­siklo ban­dang alas-3:45 ng madaling-araw.

Nang mapahinto ang kotse ng mga biktima, sunud-sunod na pinapu­tukan ito ng mga suspek bago ito mabilis na nag­sitakas.

Sa panayam ng PSN kay P/Supt. Rojas, po­sibleng may napikon na customer sa mga pag­bibiro ng mga komed­yante na nagbunsod para sila gantihan.

“Bago pa naganap ang pananambang, na­ka­katanggap na ng mga pagbabanta ang mga biktima sa pamamagitan ng text messages,” dag­dag pa ni Rojas.

Ang mga biktima ay ang mga may-ari ng Comic  Avenue Comedy Bar and Restaurant sa Brgy San Antonio, Biñan, Laguna.

Nagsasagawa na ng malalimang imbesti­gasyon ang pulisya para matukoy ang mga res­pon­sable sa pamamaril.

Show comments