2 negosyante nilikida sa palengke

CAMP VICENTE LIM, Laguna — Dalawang negos­yante ang iniulat na napatay matapos pagbabarilin ng mga ’di-pa nakikilalang kalalakihan sa naganap na panibagong karahasan sa loob ng pa­lengke na sakop ng Biñan, Laguna kamakalawa ng ma­daling-araw.

Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr. Laguna police director, ang mga  biktimang sina Henry Agustin, 55; at Enrico Tierro, 34 kapwa meat traders at mga residente ng Segunda Village, Barangay Platero, Biñan, Laguna.

Napag-alamang nag-aayos ng kanilang panindang karne sa loob ng palengke nang bigla na lang lumapit ang dalawang ’di-kilalang lalaki at sunud-sunod na pinaputukan ang mga biktima bandang alas-2:15 ng madaling-araw.

Matapos ang pamamaril, kaagad na tumakas sakay ng kulay pulang motorsiklo ang mga suspek patungo sa ’di-pa malamang direksyon kasunod ang limang iba pa na ­mga look-out sa naganap na krimen.

Mabilis na isinugod ng ilang nagtitinda ng karne ang da­lawang biktima sa Biñan Doctors Hospital at Perpetual Help Hospital pero idi­neklara na itong patay dahil sa mga tama ng bala sa kanilang ulo at katawan. Patuloy ang ma­susing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad upang mabatid ang tunay na mo­tibo ng krimen. (Arnell Ozaeta at  Joy Cantos)

Show comments