Hanggang sa kamatayan ay hindi naghiwalay ang mag-asawang matanda matapos na lumubog ang bangkang kanilang sinasakyan sa karagatang sakop ng Mandaue City, Cebu noong Martes ng hapon.
Kinilala ang mga biktimang sina Magdaleno Maranan, 80 at Victoria Maranan, 85. Ayon kay PCG Spokesman Lt. S/G Armand Balilo, ang mag-asawa ay kabilang sa 43-pasahero ng bangkang de motor (Ave Maria 5) na lumubog habang naglalayag patungo sa Poro Island mula sa Mandaue City port. Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na nasiraan ng makina ang nasabing bangka matapos na balyahin ng malaking alon na nagresulta sa pagkakaroon ng bitak sa ilalim hanggang sa lumubog.
Nailigtas naman ang mga nalalabing pasahero at tripulante ng bangka habang narekober naman ng rescue team ang mga bangkay ng mag-asawa. (Edu Punay)