7 sugatan sa pamamaril

BACOLOD CITY – Pitong sibilyan ang iniulat na nasugatan makaraang mag-amok at mamaril ang isa sa dalawang miyembro ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade sa bisinidad ng Barangay Minapasok sa bayan ng Calatrava, Ne­gros Occidental kamaka­lawa.

Kabilang sa mga biktima na ngayon ay ginagamot sa Corazon Locsin Monteli­bano Memorial Hospital, Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital at Alfredo Maranon Sr. District Hospital sa mga Lungsod ng Bacolod, Silay and Sa­gay ay sina Joevannie Ta­yoba, Rosebel Alcover, Danilo Arsenal, Eduardo Medriano, Marlon Mahinay, Ramon Bayalas at Enjie Selebrico na pawang tina­maan ng ligaw na bala, ayon kay police chief Insp. Danilo Zuniega.

Sa pitong sugatan, si Mahinay ay napaulat na nasa kritikal na kondisyon dahil sa tama ng bala sa tiyan.

Tumakas naman ang suspek na si Jason “Bong­bong” Balansag,  sakay ng motorsiklo kaangkas ang isang alyas Ka Jomar pa­tungo sa direksyon ng Ba­rangay Bug-ang sa bayan ng Toboso.

Napag-alamang si Ba­lansag na kapatid ng na­talong kandidato noong barangay at SK polls ay naaresto ng mga sundalo noong Oktubre 29 dahil sa Comelec gun ban.

Posibleng paghihiganti ang isa sa motibo ng sus­pek para barilin si Tayoba na supporter naman ni re-elected Barangay Captain Serafin Natial na tumalo sa nakatatandang utol na babae ni Balansag.

Lumilitaw rin sa im­bestigasyon ng pulisya na si Tayoba ay isinasangkot sa pagkamatay ng isang alyas Joel Despi na kamag-anak ni Balansag noong nakalipas na taon. (Toks  B. Lopez at Joy Cantos)

Show comments