CAMARINES NORTE – Pinagbabantaan ngayon ang buhay ng isang parish priest makaraang ibunyag at labanan ang operasyon ng illegal fishing sa karagatang sakop ng Calaguas Islands sa bayan ng Vinzons, Camarines Norte. Pormal na nagpaabot ng rekalmo sa PSN si Father Francisco Gan ng Our Lady of Peace and Good Voyage sa Barangay Banocboc matapos makatanggap ng pagbabanta sa buhay mula sa ilang grupong may operasyon ng illegal fishing sa mga Barangay Banocboc, Mangkawayan at Pinagtigasan na pinaniniwalaang sangkot ang ilang tiwaling opisyal ng barangay. Nabatid na hanggang sa kasalukuyan ay hindi rin nasusugpo ng mga tauhan ng PNP at Maritime, ang mga “boli-boli, bigas bigas” na pangunahing gamit sa illegal fishing sa mga nasabing barangay. Dismayado rin si Fr. Gan sa mga opisyal ng lokal na pamahalaang bayan ng Vinzons, Mercedes, Jose Panganiban at Talisay dahil sa kawalan ng aksyon laban sa illegal fishing. - Francis Elevado