Isang bagong halal na barangay chairman ang namatay nang pagbabarilin ng limang armadong lalaki sa Barangay Esperanza, Ormoc City kamakalawa ng hapon. Kinilala ang biktima na si Rogelio Mingao, 37, residente ng naturang barangay at kahahalal lang bilang kapitan dito sa katatapos na halalan.
Nadakip naman ng pulisya ang dalawa sa mga suspek na sina James Montero, 21 at Ricardo Cabacoy; pawang ng Barangay Boroc ng nasabing lungsod.
Lumalabas sa pangunang pagsisiyasat na nagpanggap na pasahero ang mga suspek sa bus na minamaneho ng biktima bago nila ito pinagbabaril pagdating nila sa Sitio bulubunduking highway sa Sitio Sampaguita, Barangay Mas-in.
Sa hiwalay na ulat, isa pang bagong halal na barangay chairman sa Laguna at isa nitong kasamahan ang nasugatan nang tambangan at pagbabarilin sa Kalayaan, Laguna kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Sandy Laganapan, 48, bagong halal na chairman sa Barangay San Antonio, Kalayaan; at isa nitong kabarangay na si Joseph Aseillo, 41. Lulan umano ng puting Toyota Corolla XL ang mga biktima nang tambangan sila ng mga armadong lalaki sa Barangay Longos sa nabanggit na bayan. (Joy Cantos)