CAMP VICENTE LIM, Laguna – Nabalot ng karahasan ang bisperas ng barangay at SK polls matapos pagbabarilin at mapatay ng ‘di-kilalang gunman ang isang ex-city councilor ng Sta. Rosa City, Laguna kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas Jr., Laguna police director ang biktimang si Raul Aala, 57 ng Lara Subdivision, Barangay Don Jose sa nabanggit na lungsod. Sugatan din ang isang negosyante matapos tamaan ng ligaw na bala na kinilalang si Jose Espina ng Laguna Bel-Air at kasalukuyang nasa Southern Luzon Hospital. Napag-alamang, katatapos lang magpagasolina ni Aala ng KIA Sorento van (RTA-99) sa Shell station katabi lang mismo ng golf driving range na pag-aari ng biktima nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Duguang bumulagta ang biktima, habang tumakas sa direksyon ng Tagaytay-Silang Highway ang mga suspek sakay ng kulay silver-gray van na walang plaka. Sinisilip ngayon ng pulisya ang business or personal reasons ang posibleng motibo ng krimen pero hindi na ito dinetalye para hindi makaapekto sa ginagawang imbestigasyon. Arnell Ozaeta at Ed Amoroso