Bus pisak sa acacia: 12 patay
CAMARINES NORTE – Inihabol pa ni kamatayan sa pagsapit ng Undas ang labindalawang miyembro ng religious group habang sampu naman ang malubhang nasugatan makaraang mabagsakan ng acacia ang pampasaherong bus na sinasakyan ng mga biktima sa bahagi ang Purok 1, Barangay Laniton, Basud, Camarines Norte kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga biktimang namatay sa Camarines Norte Provincial Hospital at Leon Hernandez Memorial Hospital ay sina Estrella Odi, Estrella Eboña, Gracita Clotario, Sonny Medina, Mary Rose Bismonte, Nenita Vibal, Leonel Avilado, Carmelia Babagay, Ryan Babagay, Remalyn Dasco, Jaclyn Mae Franco at Medina Franco pawang mga miyembro ng religious group na Ave Maria Fondation.
Sugatan naman sina Noel Baniano, 33, drayber ng Eddie Bus Transit (EVV 212); Rogelio Medina, konduktor; Alorane Balte, 14; Diane Abrera, 13; Rjay Vibal, 14; Justine Angelica Gutierez, Ademar Calajate, Ronald Mago, Kay Asiao, at si Julie Ann Diño.
Sa panayam ng PSN sa nakasaksing si Edwin Fernandez, unti-unting bumabagsak ang acacia na may 20-taon nang nakatayo sa kanilang bakuran na unang nakaiwas sa nakaambang panganib ay isang kotse.
Subalit, hindi napansin ng drayber ang pabagsak ng acacia, kaya napisak ang kalahati ng bus at nadamay ang mga biktimang papauwi na
Kaagad naman rumesponde ang grupo ng Civilian Armed Forces Geographical Unit ng 22nd Infantry Batallion ng Philippine Army at mga pulis-Basud sa pamumuno ni P/Insp. Antonio Lacson.
- Latest
- Trending