PAL plane lumampas sa runway
Ayon kay Rollie Estabillo, PAL vice president for corporate communication, nagkaroon lamang ng minor damage ang PAL Airbus A320 nang mag-landing sa runway 30 ng paliparan ng Butuan City.
Ayon sa ulat, limang metro lamang ang layo sa Army camp gasoline’s at diesel fuel depot ang kinalalagyan ng nasabing eroplano at posibleng sumiklab ang matinding pagsabog sakaling hindi naiiwas ng piloto ang eroplano.
Wala namang naiulat na may nasawi o malubhang nasaktang pasahero.
Nabatid sa manipesto na umaabot sa 148 pasahero at crew ang lulan ng PAL flight PR-475 na umalis sa Manila Domestic Airport dakong ala-5:10 ng umaga kahapon at lumapag sa Butuan City Airport bandang alas-6:07 ng umaga kahapon.
Dahil sa nasabing insidente, pansamantalang isinara ang naturang airport at inaasahang magdudulot ito ng pagkaantala at kanselasyon ng iba pang domestic flights na katulad ng Cebu Pacific Airways at iba pang local domestic airlines na papunta sa naturang lugar.
Napag-alamang marami ring nawasak na kabahayan kabilang na ang bahay nina Lily Gerona at Medel Balacano na nagreklamo dahil nawasak ang kanilang concrete pig pen na niragasa ng eroplano sa Purok 6 sa Barangay Bancasi.
Pitong pasaherong may sugat sa katawan na namataan ng newsmen na nagrereklamo sa PAL Butuan City Office ay nakilalang sina Simeon Salas, Louvette Romarate, Reinelle Ayonayon at anak nilang si Tisha, 7 at dalawang hindi nabatid ang pagkikilanlan na pawang naninirahan sa Antipolo City, habang ang Japanese national na si Masaya Okasawa ay dinala sa ospital dahil sa nose bleeding.
Kabilang sa mga pasahero ng eroplano ay pawang mga top officials ng Department of Education Culture and Sports (DECS) na pinangunahan ni Undersecretary Franklin Sunga, Department of Health Regional Director Leonita Gorgolon at mga anak ng P/Chief Supt. Jaime Milla, Caraga regional police director na pawang nasa ligtas na kalagayan.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon sa naturang insidente. Ben Serrano, Ellen Fernando at Joy Cantos
- Latest
- Trending