Ex-DILG exec, pamangkin itinumba
CAMP CRAME – Isa na namang bayolenteng krimen ang naganap sa bahaging sakop ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) makaraang ratratin at mapaslang ang isang dating undersecretary ng Department of Interior and Local Government at pamangkin nito sa naganap na ambush sa bisinidad ng Barangay Talibang sa bayan ng Indanan, Sulu kahapon ng umaga.
Kapwa bulagta sina Abdurahman Jamasali, alyas Commander Kong at pamangkin nitong si Wesher Umma.
Napag-alamang si Jamasali ay natalong gubernatorial bet noong Mayo 14 midterm elections at tumatayong aide ni dating ARMM Governor at Moro National Liberation Front Chairman Nur Misuari na ngayon ay nakapiit sa kasong rebelyon.
Si Jamasali ay aktibo ring nakikipagtulungan sa AFP troops laban sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Inspector Julkiram Kanain, hepe ng Indanan PNP, ang mga biktima ay nagtungo sa nasabing lugar malapit sa Barangay Bunaza para makipagdiyalogo sa mga miyembro ng Moro National Liberation Front nang ratratin ng mga ‘di-kilalang kalalakihan.
Nabatid na kilalang balwarte ng MNLF rebel groups ang nasabing barangay pero maging ang mga bandidong Abu Sayyaf na may ugnayan sa Al Qaeda ay nagkakanlong rin sa lugar.
Magugunita na si Jamasali ay naging aktibo rin sa negosasyon upang palayain ang 21 bihag, kabilang ang 18 dayuhan na kinidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sipadan Beach Resort sa Sabah, Malaysia noong Abril 23, 2000 kung saan ang mga bihag ay itinago sa Sulu. Joy Cantos
- Latest
- Trending