CAMP VICENTE LIM, Laguna – Pitong miyembro ng 25 Miles Fraternity ang inaresto ng pulisya kamakalawa matapos ireklamo ng 16-anyos na babaeng estudyante na sumailalim ng matinding hazing sa bayan ng Sta. Cruz, Laguna.
Kinilala ni P/Inspector Mario David, deputy police chief sa bayan ng Sta. Cruz, ang mga suspek na sina Richard Abejon, 29 ; Albert Timoteo, 21; Dexter Balitayan, 21; Joshua Zalameda, 20; Paula Martirez, 19; at dalawa pang menor- de-edad.
Naaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Jaime Blancaflor ng Sta. Cruz Regional Trial Court-Branch 26 matapos na hindi sumipot sa korte kung saan inisyuhan ng subpoena sa kasong physical injuries in relation to RA 7610.
Nag-ugat ang reklamo laban sa mga suspek matapos magdemanda ang isang 3rd year student ng Pedro Guevarra High School at mga magulang nito dahil sa matinding sinapit na bugbog ng dalaga mula sa idinaos na hazing noong January 10, 2007
Magkakasabay na dinakip ang mga suspek sa Barangay Santo Angel Sur sa Sta. Cruz, Laguna samantalang pinaghahanap pa ang anim na miyembro ng naturang frat. Arnell Ozaeta