CAMP CRAME – Winakasan ng isang guro ang kanyang buhay matapos na uminom ng insecticide sa harapan ng mga magulang ng kanyang mga estudyante sa Ilocos Norte.
Kinilala ng pulisya ang guro na si Anthony Cadiente ng Gabaldon Elementary School na pinaniniwalaang isinama ang mga magulang ng kanyang estudyante sa palayan sa bayan ng Bacarra at doon isinagawa ang pagpapatiwakal.
Napag-alamang may ilang beses na binalak magpakamatay ng nabanggit na guro dahil umabot sa kanyang kaalaman na nakikipag-date ang kanyang nobya sa ibang lalaki.
Samantala, isang guro naman ang nalalagay sa balag ng alanganin dahil sa pananakit sa kanyang estudyante sa Iloilo may ilang araw na ang nakalipas, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang guro na si Shiela Navarro na inireklamo ng Grade 1 pupil na tinusok nito ng ballpen sa noo.
Sa sumbong ng bata, nagalit ang guro nang hindi siya gumawa ng assignment kaya’t sinaktan ito sa kanilang paaralan sa Hacienda Conchita Elementary School sa Barangay Hacienda Conchita, San Dionisio.
Bukod dito, ilang estudyante rin ang nagsumbong na binato sila ng eraser, aklat at sapatos ng kanilang teacher.