BANGUED, Abra — Pinaniniwalaang patay na napaulat ang bumaril at nakapatay kay Rep. Luis “Chito” Bersamin noong December 16, 2006 may ilang araw matapos isinugod sa ospital ang una sa Maynila, ayon sa ulat kahapon.
Si Salvador Barbosa, na gumamit din ng pangalang Dominador Barbosa, na itinuturo ng mga pulis na responsable sa pagpatay kay Bersamin at sa kanyang bodyguard na pulis, ay namatay na sa matinding sakit na amoebiasis at leptospirosis matapos siyang isugod sa San Lazaro Hospital sa Manila.
Ayon sa sources, si Barbosa ay gumamit ng pangalang Philip Bello Rivero noong isinugod siya sa nabanggit na ospital.
Sa text message, sinabi ni P/Chief Supt. Eugene Martin, police provincial director ng Cordillera Administrative Region, na nakatanggap nga raw sila ng ulat na patay na si Barbosa subalit hindi pa nila makumpirma kung totoo ang ulat.
“Nalibing na nga raw siya, pero hindi pa namin makumpirmang officially,” dagdag pa ni Martin.
Si Cong. Bersamin at ang kanyang bodyguard ay binaril at napatay habang papalabas ng Mt. Carmel Church sa Quezon City noong December 16, 2006. Myds Supnad