CAMP AGUINALDO — Isang dating alkalde at tatlo nitong alalay kabilang ang isang pulis ang nasugatan matapos tambangan ng mga ’di-kilalang kalalakihan sa Sitio Spring, Barangay Liwag sa bayan ng Rizal, Kalinga kahapon ng tanghali. Kinilala ni Cordillera Administrative Region Police Regional Director, Chief Supt. Raul Gonzales, ang alkalde na si Marcelo “Bebbot” dela Cruz, dating alkalde at kasalukuyang municipal administrator ng nabanggit na bayan. Napag-alamang niratrat ang van ng mga biktima na nakahimpil sa nabanggit na lugar, subalit nakaganti naman ng putok ang mga tauhan ng mga alalay ng ex-mayor kaya napatay ang isa sa mga suspek na kasalukuyang bineberipika pa ang pagkikilanlan. Pinaniniwalaang may kaugnayan sa demolisyong isinagawa ng nasabing opisyal sa mga iskwater sa kanilang bayan kung saan siyam-katao ang namatay. Joy Cantos