CAMP VICENTE LIM, Laguna — Halos magkasunod na natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng dalawang babae sa magkahiwalay na lugar sa Laguna noong Martes ng umaga. Sa ulat ni P/Senior Supt. Felipe Rojas Jr, Laguna police director, unang natagpuan ang bangkay ng 22-anyos na si Ma. Clarissa Putungan, sa bahagi ng Sitio Aabu sa Barangay Sta. Maria Magdalena, San Pablo City, may ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay bandang alas-8 ng umaga. Ayon sa pulisya, nagtamo ng maraming saksak si Putungan sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na posibleng ginahasa muna bago pinatay. Nakarekober ang mga imbestigador ng mga underwear ng biktima na may mga bahid ng dugo at isang pares ng tsinelas na pinaniniwalaang pag-aari ng suspek. Samantala, bandang alas-11:30 ng umaga nang matagpuan naman ang bangkay ng isang ’di-kilalang babae na tadtad ng saksak ng patalim sa bahagi ng NIA River sa Barangay Tagapo, Sta. Rosa. Nakarekober naman ang mga imbestigador ng isang celfone (Nokia 3310), charger, assorted na make-up, larawan ng lalaki at love letter sa nagngangalang Rizza mula kay Jessie. Patuloy ang imbestigasyon sa dalawang babaeng pinaslang. Arnell Ozaeta/Ed Amoroso