Totoy dedo sa gulpi ng mag-asawa
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Nagtapos ang kinabukasan ng limang taong gulang na batang lalaki matapos mamatay dahil sa gulpi ng kanyang sariling mga magulang sa Sitio Bukid, Barangay Riverside sa bayan ng San Pedro, Laguna noong Martes ng umaga.
Namatay habang ginagamot si John Darrel Saluderes sa Narra Hospital sanhi ng pagkabasag ng bungo, dislocated ang kanang balikat, putok ang labi, saksak sa kanang paa at mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Ayon kay P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr. Laguna police director, nadiskubre ang pagmamaltrato sa bata nang itakbo ng kanyang mga magulang sa nasabing ospital na halos naghihingalo na bandang alas-11 ng umaga.
Kaagad namang inaresto ng mga pulis ang ina ng bata na si Joan samantalang pinaghahanap na ngayon ang ama ng bata na si Jon na tumakas matapos ang insidente.
Sasampahan ng kasong parricide ang mag-asawa matapos tumayong testigo ang kanilang mga kapitbahay para patunayan ang ginagawa nilang pagmamaltrato sa pobreng bata. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending