LIPA CITY, Batangas – Bayolenteng kamatayan ang sinapit ng mag-asawang miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) matapos pagbabarilin ng kanilang kapitbahay na security guard sa Barangay Maraouy, Lipa City, Batangas noong Biyernes ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. George Dadulo, hepe ng Lipa City police, ang napatay na mag-asawang sina Remedios, 33 at Myra Contillo, 25, ng Purok 2 sa nabanggit na barangay.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo si Remedios, na isang security guard ng Deer Security Agency, samantalang namatay naman habang ginagamot si Myra, na buntis ng dalawang buwan, sa Metropolitan Medical Center dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Ayon sa ulat, nag-uusap ang mag-asawang Contillo sa loob ng kanilang tahanan nang dumating ang suspek na si Alexander Diangkinay, 34, isa ding security guard ng Deer Security Agency bandang alas-11:30 ng umaga. Sa salaysay ng mga saksi, kinumpronta ni Diangkinay, si Remedios Contillo sa hindi pa ring malamang dahilan hanggang sa umalingawngaw ang sunud-sunod na putok.
Nang marinig ang mga putok, sumaklolo naman si Myra sa kanyang mister, subalit pati siya ay pinagbabaril din ni Diangkinay ng ilang ulit bago ito tumakas sa ’di-malamang direksyon.