CAMP AGUINALDO — Dalawang US bomb expert ang tumulong na rin sa imbestigasyon sa pambobomba sa terminal ng bus sa Koronadal City na kumitil ng buhay ng isang Protestant pastor habang pito pa ang nasugatan noong Biyernes ng hapon.
Ayon kay P/Senior Supt. Robert Kiunisala, South Cotabato police director nitong Sabado ng hapon ay nagsimula nang mag-inspeksyon sa pinangyarihan ng pambobomba sa terminal ng YBL bus ang dalawang US military bomb expert.
Sinabi ni Kiunisala na bago ang pambobomba ay nagbanta pa ang grupo ng Al-Khobar sa may-ari ng bus na pasasabugin ito kapag hindi nagbigay ng protection money kaya luminaw ang anggulo ng extortion.
Bunga ng insidente ay sinuspinde naman ng Yellow Bus Line ang operasyon dahil sa pagsabog na ikinasawi ni Willie Caritan, Protestant pastor sa Alliance Church sa Panabo, Davao City.
Sa pahayag ni Ramon Buriel, hepe ng security ng YBL, itutuloy lamang nila ang operasyon kapag tiniyak na ng militar at pulisya ang seguridad ng mga pasahero partikular na ang kanilang negosyo.
Kinumpirma pa nito na maraming beses na nakatanggap ng extortion letter ang pamunuan ng YBL bus mula sa nabanggit na grupo.
Napag-alamang hindi pagbibigyan ng nasabing kompanya ng bus ang kahilingan ng nasabing grupo dahil masyadong malaki ang hinihingi na aabot sa P2 milyon at inisyal lamang ang P.5 milyon na ibibigay kada linggo. Joy Cantos