CAMP OLIVAS, Pampanga — Dalawang miyembro ng nabuwag na notoryus robbery-holdup at gun-for-hire gang, ang kumpirmadong napatay habang naaresto naman ang siyam iba pa sa naganap na madugong shootout laban sa mga tauhan ng pulisya sa Barangay Balite, Arayat, Pampanga, noong Linggo ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Keith Ernald Singian, provincial police director, ang mga napatay na sina Virgilio “Ogie” Oronce, lider ng grupo at Dennis “Mokong” Bungkie.
Kabilang sa mga suspek na nasakote at sumasailalim sa masusing imbestigasyon ay sina Harrison “Sonson” de Leon, Bernie Martin “Sukoy” Santos, Jose Macasaquit, Benidicto Sigua Cuzon, Renato Sena Gutierrez, William Pineda Gutierrez, Wilmark Pineda Espinoza, Arjay Datu Cunanan at si Jonel Serrano Ocampo.
Napag-alamang bitbit ng mga tauhan ng pulisya ang search warrant na inisyu ni Judge Adelaida Medina ng San Fernando City Regional Trial Court - Branch 45 sa nabanggit na barangay kung saan nakatira sina Oronce, Martin at de Leon nang magsimulang magpaputok ang grupo ng mga holdaper hanggang sa sumiklab ang barilan.
Narekober sa mga suspek ang isang Ingram pistol, tatlong kalibre .45, apat na granada, isang .9mm pistol, isang bulletproof vest, mga magazine at iba’t ibang uri ng bala.
Ang grupo ni Oronce ay responsable sa serye ng holdapan sa iba’t ibang bayan sa Pampanga at ilan pagpatay kabilang ang isang barangay captain. (Resty Salvador/ Ric Sapnu at Dino Balabo)