CAMP AGUINALDO — Pinaniniwalaang killing fields ng mga rebeldeng New People’s Army ang natagpuan ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya na pinaglibingan ng sampung biktima ng summary execution sa bayan ng Alabel, Saranggani kamakalawa.
Sa ulat, nadiskubre ng tropa ng Army’s 56th Infantry Battalion at lokal na pulisya ang itinuturing na killing field ng mga rebelde matapos na ituro ng mga rebel returnee.
Ayon sa testimonya, maliban sa sampung biktima ng summary execution ay inilibing din sa nasabing killing fields ang mga rebeldeng napatay sa sagupaan ng militar.
Magugunita na ang Oplan Ahos o Operation Missing Link ng NPA noong 1980s ay namayagpag ang mga pagpatay sa mga nagtataksil sa kilusang komunista.
Pinaniniwalaan namang ang mga nakalibing na rebelde sa nasabing lugar ay pawang mga tauhan ng opisyal ng NPA na kinilala sa alyas “Ka Warren.”
Kaugnay nito, nakatakda namang magpadala ng pangkat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pulisya sa nasabing killing fields upang kumpirmahin ang ulat. (Joy Cantos)