Amok: 4-katao kinatay

CAMP AGUINALDO —  Malagim na kamatayan ang sinapit ng apat na sibilyan makaraang saksakin at pagtatagain ng isang lalaki na pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu sa Barangay Canlu-hangon sa bayan ng Tabuelan, Cebu ka­makalawa.

Kabilang sa mga nama­tay na biktima ay sina Dina Tuling, 40; Romualdo Mon­tecalvo, 56, chairman ng na­banggit na barangay; misis nitong si Armingola, 53; at si Julieta.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Taquilio Tuling na tumakas hawak pa ang matalim na itak sa hindi nabatid na lugar.

Naitala ang insidente ganap na alas-2 ng hapon kung saan naging kakaiba ang ikinikilos ng suspek base na rin sa obserbasyon ng ilang residente kabilang na si SPO1 Ramon Montecalvo, na utol ng barangay chairman.

Napag-alamang nagtu­ngo sa bahay ni Barangay Chairman Montecalvo, ang suspek para humingi ng tulong na maihatid siya sa hospital kung saan agad naman umarkila ng traysikel ang una.

Habang sakay ng tray­sikel ang dalawa patungo sa pa­gamutan ay agad na na­ngi­nig at nagwala ang sus­pek na pinaniniwalaang sina­pian ng masamang espiritu kaya napilitang huminto pan­sa­mantala ang sasak­yan.

Mabilis na bumaba ng traysikel ang suspek at nang mamataan ang hipag na si Julieta ay sinalubong nito nang sunud-sunod na sak­sak na ikinasawi ng babae.

Nasaksihan naman ng asawa ng suspek ang insi­dente kaya tinangka nitong tulungan ang utol na si Julieta pero maging siya ay sinalu­bong ng taga at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sinubukan namang pa­pa­yapain ng mag-asa­wang Montecalvo ang susp­ek, su­balit maging sila ay isinama sa karit ni kama­tayan ng suspek na posib­leng nasa ilalim ng kapang­yarihan ng ma­samang espiritu.

Nagtulung-tulong ang ilang residente para saktan ang suspek, subalit mabilis na nakatakas sa hindi na­batid na lugar. (Danilo Garcia)

Show comments