Amok: 4-katao kinatay
CAMP AGUINALDO — Malagim na kamatayan ang sinapit ng apat na sibilyan makaraang saksakin at pagtatagain ng isang lalaki na pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu sa Barangay Canlu-hangon sa bayan ng Tabuelan, Cebu kamakalawa.
Kabilang sa mga namatay na biktima ay sina Dina Tuling, 40; Romualdo Montecalvo, 56, chairman ng nabanggit na barangay; misis nitong si Armingola, 53; at si Julieta.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Taquilio Tuling na tumakas hawak pa ang matalim na itak sa hindi nabatid na lugar.
Naitala ang insidente ganap na alas-2 ng hapon kung saan naging kakaiba ang ikinikilos ng suspek base na rin sa obserbasyon ng ilang residente kabilang na si SPO1 Ramon Montecalvo, na utol ng barangay chairman.
Napag-alamang nagtungo sa bahay ni Barangay Chairman Montecalvo, ang suspek para humingi ng tulong na maihatid siya sa hospital kung saan agad naman umarkila ng traysikel ang una.
Habang sakay ng traysikel ang dalawa patungo sa pagamutan ay agad na nanginig at nagwala ang suspek na pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu kaya napilitang huminto pansamantala ang sasakyan.
Mabilis na bumaba ng traysikel ang suspek at nang mamataan ang hipag na si Julieta ay sinalubong nito nang sunud-sunod na saksak na ikinasawi ng babae.
Nasaksihan naman ng asawa ng suspek ang insidente kaya tinangka nitong tulungan ang utol na si Julieta pero maging siya ay sinalubong ng taga at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sinubukan namang papayapain ng mag-asawang Montecalvo ang suspek, subalit maging sila ay isinama sa karit ni kamatayan ng suspek na posibleng nasa ilalim ng kapangyarihan ng masamang espiritu.
Nagtulung-tulong ang ilang residente para saktan ang suspek, subalit mabilis na nakatakas sa hindi nabatid na lugar. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending