Namamaga ang hita at posible pang matetano ang isang 11-anyos na batang lalaking Grade VI pupil makaraang pukpukin ng kahoy na may pako ng kaniyang guro sa Labo, Camarines Norte, kamakalawa.
Sa salaysay sa pulisya ng magulang ng batang itinago sa pangalang John John, umuwi ang kaniyang anak na namamaga ang hita sanhi ng isang sugat mula sa pako.
Ang guro na namemeligrong matanggal sa serbisyo ay kinilalang si Asuncion Derez, Class Adviser ng Section 7 sa Labo Elementary School.
Isinumbong ng bata na pinalo umano siya ni Derez ng kahoy na may kalawanging pako sa dulo.
Sa hospital, matapos ipasuri sa doktor ang bata sanhi ng pamamaga ng hita, sinabi ng mga eksperto na posibleng nagkaroon na ng tetano ang biktima dahil sa pakong sumugat sa hita nito.
Tinangka ng mga magulang ng bata na kunin ang panig ng mga guro maging ang principal subalit nabigo ang mga ito kaya dumulog na sila sa pulisya. Joy Cantos