Pekeng abogado kalaboso

BATANGAS CITY – Kalaboso ang binagsakan ng isang lalaki na nagpapakilalang abogado makaraang arestuhin ng mga alagad ng batas dahil sa reklamo ng dalawang lehitimong abogado sa Batangas City noong Lunes.

Nahaharap sa kasong usurpation of authority at falsification of public documents ang suspek na si Mauricio Rivera ng #521 Lavezares Street, Binondo, Manila.

Ayon kay P/Supt. Christopher Tambungan, Batangas City police chief, inaresto si Rivera matapos ireklamo nina Atty. Gregorio Moraleja at Atty. Erwin Aguillera  sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) Batangas Chapter kung saan nadiskubre nilang wala sa listahan ng mga lehitimong abogado ang suspek sa Supreme Courts records.

Lumitaw sa imbestigasyon, na nakahalata sina Moraleja at Aguillera sa kakaibang presentasyon ng mga court argument ni Rivera na may hawak na kliyente na kalaban ng dalawa.

Dito naghinala ang dalawa kaya kaagad nilang bineripika ang record ni Rivera sa Philippine Regulatory Commission (PRC) at madiskubreng gumagamit ito ng lisensya ng isang retiradong hukom.

Ipinagbigay-alam ng dalawa sa himpilan ng pulisya ang nadiskubre kaya inaresto si Rivera habang naghahandang dumalo sa isang court hearing na nakatakdang ganapin noong Lunes ng tanghali sa Batangas Hall of Justice. Arnell Ozaeta

Show comments