Baliw nag-amok: 10 patay, 18 grabe
Kabilang sa mga biktimang pinagtataga at idineklarang patay sa St. Camillius Hospital ay nakilalang sina Gemma “Baby” Jadulco, 32; mga anak na sina Jennylyn Jadulco, 12; Jingoy Jadulco, 8; Renato Jadulco, 3; Nadene Jadulco, 2; at Cristine Jadulco, 1; Edgardo Lecis, 35; Candido Conteras, 46; at Ericson Ponse, 7, na pawang mga residente ng Purok 4 ng nabanggit na barangay sa Calbayog City.
Ginagamot naman sa Calbayog Sanitarium Hospital, Saint Camilius Hospital at Calbayog District Hospital ay sina Benjie Ponce, 5; Marilyn Ponce, 3; Joan Jadulco, 4; Jocelyn Jadulco, 9; Danilo Conteras, 12; Jennylyn Conteras, 14; Michael Cabere, 3; Emily Guades, pinsan ng suspek; Manria Conteras, 37; Enis Lecis, 54; Benjanmin Ponce, 47; Francisco Ramada, 56; Ernesto Ramada, 45; Armando Ramada, 35; Myra Manlapid, 24; at ang mag-asawang Eddie at Jocelyn Gonzaga na sakay ng motorsiklo nang makasalubong ang suspek na si Danilo Guades, 39, sa junction road patungong Barangay Bontay.
Sa pahayag ni P/Chief Inspector Aniceto Tebobolan, hepe ng pulisya sa Calbayog City, kilala ang suspek sa kanilang barangay na may kapansanan sa pag-iisip at kalimitang nasasangkot sa awayan sa kanilang komunidad bago pa maganap ang malagim na insidente.
Napag-alamang sumuko naman ang suspek bitbit ang matalim na bolo kay Fortunato Burbana na isa ring residente ng nabanggit na barangay.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naitala ang insidente ganap na alas-2 ng madaling-araw kung saan unang pinasok ng suspek ang bahay ng kanyang pinsang si Emily bago isinunod ang bahay ng pamilya Jadulco.
Nang mapatay na ang mga kaanak ay muling lumabas ng bahay ang suspek at nang makasalubong ang mag-asawang Gonzaga ay pinagtataga nito hanggang sa bumalik sa lamayan at lahat nang naglalamay sa burol ni Teotime Ramada sa Purok 2 ay pinagtataga.
Walo sa mga biktima ay agad na namatay habang ang dalawa naman ay nasawi sa nabanggit na ospital.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng suspek na nagawa nito ang krimen sa paniniwalang magbibigay ito ng ibayong lakas sa kanyang anting-anting na kung tawagin sa kanilang lugar ay Tahas. - Dagdag ulat ni Miriam Desacada
- Latest
- Trending