Grade 11 sinaksak ang 2 kaklaseng bully!

Pinipilit magdroga sa iskul
MANILA, Philippines — Dahil umano sa pambu-bully at pamimilit na humitit ng marijuana, sinaksak ng isang Grade 11 student ang dalawa nitong kaklase sa loob mismo ng klasrum ng national high school sa lungsod ng Zamboanga nitong Miyerkules ng umaga.
Sa report ng Zamboanga City Police, nangyari ang insidente sa loob ng klasrum ng Cabaluay National High School sa Brgy. Cabaluay ng lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, napikon na umano ang biktima, 17-anyos sa dalawa nitong classmates dahil sa palaging pambu-bully sa kaniya at maliban dito ay pinipilit din umano siyang sumama sa kanila sa paghitit ng marijuana sa likod ng eskuwelahan.
Ang suspect ay miyembro ng Knights of the Altar sa naturang lugar at isa umanong tahimik na estudyante.
Nagresponde naman ang mga opisyal ng barangay kasama ang mga elemento ng Bureau of Fire Protection (BFP) at sinaklolohan ang dalawang sugatang estudyante na matapos malapatan ng 1st aid ay mabilis na isinugod sa pagamutan.
Sinabi ng suspect na nagdesisyon umano siyang magdala na ng kutsilyo sa eskuwelahan para gamitin niya ito sa mga kaklase sa oras na mam-bully uli sila at pilitin na naman siyang humitit ng marijuana.
Nagpanik naman ang mga magulang at mga guardians na nagtungo sa paaralan upang tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga anak nang makarating sa kanila ang impormasyon sa naganap na saksakan.
- Latest




















