Mayo 24, 2007
QUEZON — Karit ni kamatayan ang sumalubong sa mag-utol na lalaki habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang magsalpukan ang magkasalubong na trak sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Walay sa bayan ng Padre Burgos, Quezon, kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga nasawi ay sina Danilo Alcantara, 33, ng Pagbilao, Quezon; at ang nakatatanda nitong kapatid na si Rodolfo, 35, ng Barangay Ibabang Dupay, Lucena City. Kasalukuyang ginagamot sa MMG Hospital sa Lucena City sina Ariel Almene, Manuel Nahil, 46; at si Marivic Piscal, 19, kapwa naninirahan sa bahagi ng Padre Burgos. Sa pagsisiyasat ni SPO3 Evelyn Oreto, ang Fuzo truck (TMB-679) ni Almene na sakay ang apat na ibang bumangga sa Elf dump truck (RDT-327) mula sa bayan ng Pitogo, Quezon at minamaneho ni Mario Geronimo na kaagad tumakas matapos ang sakuna. Tony Sandoval
Paslit nilamon ng ilog
CAVITE — Lumutang na kahapon ang bangkay ng isang 9-anyos na babae matapos na mahulog sa ilog ang biktima habang naglalaro malapit sa kanilang tahanan sa Barangay Bankal, Carmona, Cavite kamakalawa ng hapon. Ang biktima na pinaniniwalaang biglang nawala bago mamataang patay sa bahagi ng Higante River na sakop ng Sitio Tapak, ay nakilalang si Resnera Ramirez. Samantala, nailigtas naman sa tiyak na kapahamakan si Noemie Ilagan, 16, high school student ng Barangay Tulay B, Maragondon, Cavite matapos na dukutin at dalhin sa Barangay Pinagsanhan B ng suspek na si Ronald Landrito, 21, ng Barangay Talispungo. Ayon kay SPO1 Alberto Avinante, ang biktima ay dinukot sa harapan ng Bucal National High School matapos iwan pansamantala ng kanyang utol. Cristina Timbang
2 pinabulagta sa Nueva Ecija
CAMP OLIVAS, Pampanga — Dalawa-katao kabilang ang isang veterinarian ang iniulat na pinaslang ng mga ’di-kilalang armadong kalalakihan sakay ng motorsiklo sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa bayan ng Licab at Gapan City, Nueva Ecija, ayon sa ulat ng pulisya kahapon. Sa bayan ang Licab, binaril at napatay si Jun Aguilat, 34, isang veterinarian sa Tyson Venture Inc. sa harapan ng Botes Poultry Supply sa Barangay Poblacion Norte. Agad namang tumakas ng mga naka-bonnet na killer sa direksyon ng bayan ng Quezon. Samantala, ang maintaince crew ng Nueva Ecija Electric Cooperative (NEECO) na si Jose “Pepe” Tadeo, 42, ay niratrat at napatay sa bahagi ng Barangay Sto. Cristo sa Gapan City, Nueva Ecija noong Lunes. Ric Sapnu Bilangan ng boto, pinasabog
CAMP AGUINALDO — Matinding tensyon ang bumalot sa Calawag Village, Sultan Kudarat makaraang umalingawngaw ang sunud-sunod na pagsabog ng granada sa harapan ng munisipyo kung saan ginaganap ang canvassing kamakalawa ng gabi. Ayon kay Brig Gen Danilo Garcia, commander ng 601st Infantry Brigade, wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa magkasunod na pagsabog na naganap dakong alas-9 ng gabi na ang isa ay sa harapan ng bahay ng Sangguniang Kabataan Leader Escarlito Distor. May teorya si Garcia na may kaugnayan sa pulitika ang pagpapasabog para pansamantalang matigil ang bilangan. Edwin Balasa
- Latest
- Trending