Kinilala naman ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, provincial police director, ang mga nasawi na sina re-electionist Councilor Faustino Roy Galang, SPO1 Roberto "Bobby" Ferrer, police escort ni dating Jaen Mayor Antonio Prospero "Tony" Esquivel na kandidato sa pagka-alkalde at dalawa pang alalay ng nasabing kandidato.
Kabilang sa mga nasugatan at ngayon ay gina gamot sa Cardinal Santos Medical Center ay sina Mark Lawrence "Tony Boy" Esquivel, vice mayoral bet ng kanyang ama; ang kuya nito na si Mark Anthony, 32; Conrado Reyes, driver ni Esquivel; SPO2 Noli Reyes, SPO2 Elmer Bautista, Egbert Castillo, PO2 Emil Lagaño, Rommel Reyes, Ireneo Yadro, isang nagngangalang Mangunay at Grecio de Belen.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na naparaan ang convoy ni Esquivel sa ginaganap na campaign rally ni incumbent 4th District Rep. Rodolfo "Rody" Antonino, mula sa isang caucus meeting sa Barangay Pakul.
Sa pagkakataong iyon ay bigla na lamang nagpaputok ang kampo ni Antonino, na pawang mga miyembro ng Police Regional Mobile Group (RMG) na pawang nakasuot ng camouflage uniform na ikinamatay agad ng dalawa.
Samantala, magkasalungat na salaysay ang ibinigay ni Rep. Antonino at Esquivel na lalong nagpagulo ng insidente. Mariin namang itinanggi ni Rep. Antonino, tiyuhin ni re-electionist Rep. Darlene Antonino Custodio ng South Cotabato, na siya ang nasa likod sa pananambang.
Dahil dito ay kaagad na ni-relieve ni Bantolo sa utos ni P/Chief Supt. Ismael Rafanan, ang hepe ng Jaen PNP na si P/Chief Insp. Nemencio Atendido at ipinalit si P/Superintendent Edwin Paraz, habang inirekomenda naman na ilagay sa ilalim ng Comelec control ang nasabing bayan.
Itinatag din ang Task Force Jaen na pamumunuan ni Sr. Supt. Alfredo Caballes, Deputy Director for Operation ng Central Luzon police kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Central Luzon, Crime Laboratory, Intelligence Group at Regional Intelligence Investigation Office.