‘Extortionist’ sa Bicol nasakote |
LEGAZPI CITY  Rehas na bakal ang binagsakan ng isang 45-anyos na lalaki na pinaniniwalaang nangongotong sa may-ari ng STL gamit ang pangalang ng mataas na opisyal ng pulisya sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Regional Intelligence and Investigation Division at Regional Special Operation Group sa loob ng Colonial Grill Restaurant sa Legazpi City kamakalawa. Pormal na kinasuhan ng pulisya ang suspek na si George Frayna ng #703 University Homes, Washington Drive ng nasabing lungsod. Ayon sa ulat, ang suspek na nagpakilalang colonel ng pulisya ay nangikil ng P1 milyon sa may-ari ng Small Town Lotery (STL) na si Alejandro Bansil. Bukod sa malaking halaga, ay humihingi rin ng dalawang motorsiklo at mga baril ang suspek kay Bansil na tumatayo rin bilang corporate secretary ng Pacific Rim Corp na nagpapatakbo ng STL. Lingid sa kaalaman ng suspek ay nakipag-ugnayan sa mga awtoridad ni Bansil kaya isinagawa ang entrapment operation sa nasabing lugar.
(Ed Casulla)
Inakalang ispiya itinumba |
BUTUAN CITY  Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 48-anyos na lalaki ng isang Maranaw trader makaraang mapagkalamang ispiya ng gobyerno laban sa bawal na gamot sa naganap n karahasan sa Purok 2, Barangay Ong Yui, Butuan City noong Lunes ng hapon. Anim na bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Michael Cocon, samantalang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Kamal Caontongan ng nabanggit din barangay. Base sa ulat ng pulisya, nakatayo ang biktima sa nasabing lugar nang lapitan at ratratin ng suspek na inakalang nagsasagawa ng paniniktik
. (Ben Serrano)
Suspek sa kasong murder sumuko |
OLONGAPO CITY – Sumuko na kahapon kay Olongapo City Vice Mayor Rolen Paulino ang suspek sa pagpatay sa isang 24-anyos na lalaki noong Linggo matapos ang dalawang araw na pagtatago sa Barangay Sto. Tomas, Subic, Zambales. Pormal naman kinasuhan ng pulisya ang suspek na si Rosendo Trayfalgar Jr., 24. Ayon kay P/Senior Supt. Angelito Pacia, Olongapo City police director, si Trayfalgar ay pangunahing suspek sa pagpatay kay Eric Canapati ng Barangay Sta. Rita. Ayon sa suspek, self defense lamang ang kanyang ginawa kaya niya napatay ang biktima at kaya siya sumuko kay Vice Mayor Paulino ay upang matiyag ang kanyang kaligtasan laban sa pamilya ng biktima.
(Jeff Tombado)