Kabilang sa mga nagsampa ng kaukulang kaso laban kay Vice Mayor Nazareno ay ang limang residente ng mga Barangay Balibago, Barangay Labas, Barangay San Lorenzo, Barangay Pulo Santa Cruz, at Barangay Dila na nasa Sta. Rosa City, Laguna.
Kaugnay nito, hiniling naman ng mga nag-akusa na isailalim agad si Nazareno sa preventive suspension habang iniimbestigahan ng Ombudsman ang naturang kaso.
Batay sa mga sinumpaang salaysay, sinabi ng lima na ang naturang transaksyon ay nagkaroon ng over-pricing sa bentahan ng lote na P12,153,666.75 na siyang nagbunsod ng malubhang pagkalugi lalo na sa interest ng mga tax payers at ng lokal na pamahalaan ng Santa Rosa.
Ang nasabing transaksyon ay nag-ugat sa usaping pangangailangan ng karagdagang espasyo para sa public cemetery, batay sa dalawang letter-requests ni Alicia Par ng City Civil Registrar na ipinarating naman kay Vice Mayor Nazareno noong Oktubre 26, 2006 at December 26, 2006.
Napag-alamang naunang binili ni Nazareno na lote mula sa Ferlins Memorial na pag-aari ni ex-Biñan Mayor Bayani M. Alonte ay may area na 4,205.34 square meters sa halagang P15,822,591.75 o P3,762.50 bawat metro kudrado noong December 4, 2006.
Nitong nakaraang Pebrero 5, 2007, nag-isyu na naman ang pamahalaang lungsod ng Santa Rosa ng tseke na P24,592,880 bilang kabayaran sa 5,746 square meters na lote na muling binili kay Alonte at sa mag-asawang Adorado Angeles at Lourdes Arrua.
Sa isang sertipikasyon ni Nelly C. Gomez, city assessor, batay sa appraisal method na ginagamit ng bank appraisers, ang presyo ng lote bawat metro kudrado na nasa Barangay Dila ay umaabot lamang sa P2.840 taliwas sa madayang presyo na P3,762.50 per square meter para sa naunang bilihan at sa mataas na halaga na P4,280 kada metro kudrado sa ikalawang bilihan ng lupa.
Lumilitaw, base sa sertipikasyon ni Gomez, ang magiging kabuuang kabayaran lamang ay P28,261,805.00, na pinaniniwalaang nag-over price ng P12,153,888.75.
Hindi rin gumawa ng hakbang si Nazareno na patituluhan ang dalawang nabiling lote bago ito bayaran na nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa noong maganap ang kwestiyunableng bentahan ng lupa.
Samantala, sa panayam kahapon ng PSN kay Vice Mayor Nazareno, mariin naman niyang pinabulaanan ang mga akusasyon na may kaugnayan sa P40-milyong land scam at sinabing isang "black propaganda ng kanyang kalaban sa pulitika na tatakbo rin bilang alkalde ng nasabing lungsod sa darating na May 14 elections. "Haharapin ko na lamang sa korte ang isinampang kaukulang kaso laban sa akin," dagdag pa ni Nazareno. (Mhar Basco)