Mag-asawang ‘tulak’ nasakote

NUEVA ECIJA — Rehas na bakal ang binagsakan ng mag-asawa na pinaniniwalaang biyahero ng pinatuyong dahon ng marijuana makaraang masakote ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bakal III, Talavera, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.

Ang mag-asawang suspek na nakumpiskahan ng 1.75 kilong marijuana ay nakilalang sina Eduardo "Edong" Padilla, 45; at Mary Padilla, 47, kapwa naninirahan sa Sitio Cabisalan, Barangay Digdig, Carranglan, Nueva Ecija. Sa pahayag ni P/Senior Inspector Rogarth B. Campo, hepe ng pulisya, ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (Christian Ryan Sta. Ana)
2 nene ni-rape sa Bacoor
CAVITE — Dalawang menor-de-edad na babae ang iniulat na hinalay sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa bayan ang Bacoor, Cavite kamakalawa.

Arestado naman at pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Richard Tenorio Ventura, 53, ng Barangay Sineguelasan; at Noel Panganiban, 21, ng #22 De Castro Ave, Barangay Ligas 2, Bacoor, Cavite.

Ayon kay SPO4 Aurora Habana, ang 9-anyos na biktima ay hinalay ng suspek na senglot na si Ventura sa bahagi ng Barangay Alima ng nabanggit na bayan, samantala, ang 14-anyos na biktima ay ni-rape sa bahay ng suspek na si Panganiban sa nabanggit na barangay. (Cristina Timbang)
Encounter: NPA lider dedo, 2 tiklo
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Kamatayan ang humadlang sa pakikibaka sa pamahalaan ng isang kumander ng mga rebeldeng New People’s Army, habang dalawa namang rebelde ang nasakote sa naganap na magkahiwalay na bakbakan sa Ligao City at Masbate kamakalawa.

Napatay ng tropa ng 65th Infantry Battalion ng Phil.Army si Kumander Elmer "Ryan" Arevalo, lider Kilusang Laragnan 77 sa 3rd district ng Albay, matapos ang madugong sagupaan sa kagubatan sa Sitio Bayang, Barangay Tastas, Ligao City. Nasakote naman ang dalawang rebelde na sina Rey Flores at Dimas Manlapaz matapos makasagupa ang tropa ng militar sa Sitio Siwayan, Barangay Syndicate, Aroroy, Masbate. (Ed Casulla)

Show comments