Trak hulog sa bangin: 4 todas
March 3, 2007 | 12:00am
CAMP AGUINALDO – Apat-katao ang iniulat na nasawi samantalang 15 pa ang nasugatan makaraang mahulog ang isang truck na may lulang mga alagang hayop sa malalim na bangin sa bahagi ng Negros Oriental kamakalawa ng hapon. Napag-alamang nasiraan ng preno ang nasabing truck habang bumabaybay sa matarik na highway ng Mabinay kaya nagtuluy-tuloy sa bangin. Isa sa mga namatay ay nakilalang si Ernesto Perwilo ng Libertad Extension sa Bacolod City, Negros Occidental. Kasalukuyan namang inaalam ang mga pangalan ng tatlo pang nasawi na taga-Tanjay City, Negros Oriental. Nasa ospital naman ang mga sugatang sina Jamie Bombio, Reynand Perwilo, Venancio Querubin, Jimmy Gabaran, Joseph Lomos, Jesus Gomez, Alfredo Delgado Clavel, Joel Prudetsado, Evangeline Violon, Rene Boy Violon, Jonjon Probitso, Maximo Felipe, Berting Fuentes, Lani Lara, at ang driver ng truck na si Eliseo Manzanares. (Joy Cantos)
BULACAN – Maagang sinalubong ni kamatayan ang isang 28-anyos na babae makaraang pagpapaluin ng payong sa ulo ng kanyang kapitbahay na lalaki sa Barangay Tabon, Pulilan, Bulacan kamakalawa. Hindi na naisugod sa ospital ang biktimang si Dorina Cruz, samantalang nasugatan naman ang kasama ni Cruz na si Jessica Peña na kapwa naninirahan ng nabanggit na barangay. Nasakote naman ang suspek na si Antonio Dela Cruz, habang tugis ng pulisya ang ka-live-in nitong si Analyn dela Cruz na kasabwat sa krimen. Ayon kay P/Chief Inspector Fernando Rivera, sinugod ng magka-live-in ang biktima upang komprontahin tungkol sa kumakalat na masamang tsismis sa dalawa hanggang sa maganap ang krimen sa bahay ni Cruz. (Dino Balabo)
CAMP OLIVAS, Pampanga  Napatay sa shootout ang isang alagad ng batas laban sa mga carjacker habang sugatan naman ang dalawang kasamahang pulis sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Lakandula, Mabalacat, Pampanga kamakalawa. Kinilala ang napatay na si PO2 Albert Limbania ng Barangay Dolores, samantalang sugatan naman sina PO3 Dante Almario at PO1 Francisco Baculi na pawang nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Mabalacat. Ayon kay P/Senior Supt. Keith Singian, namataan ng mga pulis ang nakaw na starex van (ZCZ-914) na sakay ng mga carjacker kaya tinangkang pahintuin sa checkpoint. Subalit imbes na huminto ay nagpaputok ito hanggang sa maganap ang shootout at napatay si PO2 Limbania. (Resty Salvador)
CAMP AGUINALDO  Limang preso ang kasalukuyang tugis ng mga alagad ng batas makaraang pumuga sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center sa Cebu City kahapon ng madaling-araw. Nagawang butasin ng mga preso ang dingding ng kanilang selda bago sinamantala ang dilim kaya nakapuga kahit may bantay sa labas ng bilangguan. May teorya si Jail Warden Alfredo Abella, na hindi pa nakakalayo sa Cebu City ang mga pugante na ang isa ay nakilala lamang sa pangalang Gilbert. Pinaniniwalaang matagal ng plano ng mga preso ang pagpuga at kahapon lang isinagawa. Nalalagay naman sa balag ng alanganing masibak sa puwesto ang mga opisyal ng nasabing bilangguan. (Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended




















