Estudyante dinedo sa gulpi
February 11, 2007 | 12:00am
CAVITE  Walang nagawa sa mga tadyak at suntok ng walong tinedyer na lalaki ang isang Criminology student kaya humantong sa kamatayan ang insidente sa naganap na karahasan sa Brgy. Zone 4, Aguinaldo Highway sa bayan ng Dasmariñas, Cavite, kamakalawa ng gabi. Ang biktimang nagtamo pa ng malalalim na sugat sa likuran bago nasawi ay nakilalang si Rizal Ramirez Jr. ng Brgy. Bucal 1, Maragondon, Cavite. Nasakote naman ang tatlo sa mga suspek na sina: Jomar Fernandez, 19; Jerome Sayaman, 21; at John Eclona Jr., na pawang residente ng nabanggit na barangay. Ayon kay SPO4 Carlito Gener, pauwi na ang biktima kasama ang kaibigang si Jayson nang harangin at pagtripang gulpihin ng mga suspek na pinaniniwalaang mga lango sa droga. (Cristina Timbang)
DAET, Camarines Norte  Patuloy na namamayagpag ang prostitusyon sa bayan ng Daet dahil sa naglipanang kababaihang nagbebenta ng panandaliang aliw sa kahabaan ng Vinzons Avenue malapit sa Capitol Hotel ng nabanggit na bayan. Gayon pa man, limang kababaihan na pinaniniwalaang lumilinya sa prostitution na tinawag na overnight contract worker (OCW) ng mga kalalakihan ang dinakma ng mga operatiba ng pulisya sa nasabing lugar matapos na magreklamo ang ilang sekta ng relihiyon sa mga kinauukulan. May teorya ang ilang sekta ng relihiyon na may kaugnayan sa tumitinding kahirapan sa kabuhayan ang isa sa dahilan kaya lumalala ang prostitusyon sa nabanggit na bayan. (Francis Elevado)
BATAAN  Nagwakas ang modus operandi ng isang 29-anyos na lalaki na pinaniniwalaang notoryus na kawatan matapos paslangin ng dalawang hindi kilalang lalaki sa bahagi ng Barangay General Lim, Dinalupihan, Bataan kamakalawa. Anim na bala ng kalibre .45 baril ang tumapos sa buhay ni Ricky "Iking" Carlos ng Barangay Kataasan ng nabanggit na bayan. Ayon kay P/Senior Insp. Rogelio Rillon, hepe ng pulisya sa bayan ng Dinalupihan, si Carlos na katatapos lang kumain sa karinderya ay nilapitan ng dalawang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo bago isinagawa ang krimen. May posibilidad na ginantihan si Carlos ng kanyang mga nakaalitan. (Jonie Capalaran)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City  Tinambangan at napatay ang dalawang kawal ng 42nd Infantry Battalion ng Phil. Army ng mga rebeldeng New People’s Army sa bahagi ng Sitio Sigamot, Barangay Inoyunan sa bayan ng Bulan, Camarines Sur. Kinilala ang mga napatay na sina Sgt. Alfredo Valencia at Pfc. Domingo Alcantara na nasa ilalim ng 9th Infantry Division. Napag-alamang naniniktik ang dalawa sa ikinikilos ng mga rebelde bago mapatay habang sakay ng motorsiklo. Agad namang pinakilos ang tropa ng militar para tugisin ang mga rebelde sa nabanggit na barangay. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest