2 dedo, 2 sugatan sa vehicular accident

CAMP CRAME Dalawa katao ang kumpirmadong nasawi makaraang salpukin ng isang 10-wheeler truck ang isang kuliglig na isang uri ng pampasaherong tricycle sa Rosales, Pangasinan kahapon ng madaling-araw.

Agad na nasawi ang mga biktimang sina Noel La Torre, 20 at Jonathan Calderon sanhi ng matinding pagkaipit ng kanilang mga katawan habang sugatan naman ang mga pasaherong sina Randy Pancho, 17 at ang driver na si Zaldy Saculis, 20, na agad na inilipat sa isang pagamutan sa Dagupan City bunga ng malalang kondisyon nito.

Batay sa ulat naganap ang insidente dakong alas-12:03 ng madaling-araw sa national highway ng Rosales, Pangasinan.

Minamaneho ni Michael Gudoy, 25, ang isang 10-wheeler truck na may plakang XAL-600 nang makasalubong nito ang tricycle hanggang sa mawalan ng kontrol at salpukin ang mga biktima.

Boluntaryo namang sumuko si Gudoy sa himpilan ng Rosales Municipal Police Station (MPS).

Kasalukuyan na ngayong nakapiit sa detention cell ng nasabing himpilan si Gudoy na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and frustrated homicide.

Show comments