Trader kinidnap sa Cavite

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang negosyanteng Bumbay ang napaulat na kinidnap ng mga armadong kalalakihan sa bahagi ng Cavite noong Lunes ng umaga pero pinawalan din matapos magbayad ng malaking halaga ng ransom ang mga kaanak nito sa mga kidnaper.

Ayon sa mataas na opisyal ng pulisya na tumangging ilathala ang pagkikilanlan, bandang alas-7 ng umaga, lulan ng motorsiklo ang biktima nang harangin ng apat na armadong kalalakihang lulan ng Starex van at Nissan Sentra sa kahabaan ng highway sa Barangay Anabu, Imus, Cavite.

Nakiusap naman ang mga opisyal ng pulisya na pansamantalang huwag munang ihayag ang pangalan ng biktima para hindi masira ang ginagawa nilang follow-up operation laban sa mga kidnaper.

"Baka hindi na makipag-cooperate sa amin ‘yung victim pag-lumabas na ang pangalan n’ya sa news kaya nakikiusap akong huwag muna nating ilabas hangga’t hindi nasasakote ang mga suspek," pahayag pa ng isang opisyal ng pulisya.

Napag-alamang matapos bihagin ang biktima ng sampung oras, pinawalan din ito ng mga kidnaper matapos magbayad ang mga kaanak nito ng P.9-milyon bilang ransom kapalit ng kalayaan nito.

Kinumpirma naman ni P/Supt. Efren Castro, chief of police ng Imus, ang naganap na insidente pero hindi nito masiguro kung nagkaroon nga ng bayaran ng ransom sa pagitan ng mga kaanak ng biktima at mga kidnaper.

Inilarawan ni Castro ang biktima na may edad na 40-anyos, tubong Punjab, India at may negosyong pautang (5-6) sa Cavite area.

Ayon pa sa pulis, may kasabwat ding Bumbay sa nasabing kidnap-for-ransom gang na tumatayong pointman (taga turo) sa grupo kung sino ang kanilang bibiktimahing kabaro.

"Yang Indian pointman ang siya ring magpapautang sa mga pamilya ng kidnap victim tapos pag hindi nakabayad, kukunin nito ang mga ari-arian at negosyo ng biktima," pahayag ng mga pulis

Nagsasagawa na ng operasyon ang mga awtoridad para masakote ang grupo na nambibiktima ng mga negosyanteng Bumbay sa Cavite.

Show comments