Batay sa ulat ni Antonio Cloma, Operations Chief ng Office of Civil Defense (OCD) sa Southern Mindanao, pasado alas-6 ng gabi nitong Biyernes ng mailigtas ang mga na-trap na minero sa gumuhong tunnel ng isang minahan sa Brgy. Mainit, Nabunturan ng lalawigang nabanggit.
Nabatid na kasalukuyang nagmimina ang naturang mga minero nang biglang gumuho ang tunnel sanhi ng paglambot na lupa sa lugar na dulot naman ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa loob ng ilang araw.
Ayon sa salaysay ng mga minero dakong alas-4 ng madaling-araw ng nasabing araw nang ma-trap ang mga biktima sa minahan na pag-aari ng negosyanteng tinukoy sa pangalang Agri Sibusa.
Agad namang sumaklolo ang mga kasamahang minero ng mga biktima na naglagay ng hose na nakakabit sa compressor para makahinga ang mga na-trap nilang kasamahan.
Nang mabatid ang insidente ay mabilis na nagresponde ang search and rescue team ng OCD sa nasabing lalawigan at matapos ang may sampung oras ay narekober ng buhay ang naturang mga minero.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Cloma sa mga mining operators na iwasan muna ang pagmimina dahilan masyado itong mapanganib ngayong malalakas ang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Mindanao. (Joy Cantos)