"Ibalik ang mga guro, patalsikin ang principal," sigaw ng mga estudyante na nakasuot ng itim na arm bands.
Noong Biyernes, sinuspinde ng 90-araw ni Dinah Mindo, director ng DepEd sa Central Luzon, ang pitong guro ng Marcelo H. Del Pilar National High School na sina Rosario Bagay, Pete dela Cruz, Amelia Bulaong, Joseph Armin Antonio, Soccorro Mendoza, Victorino Maclang at Wilson Tan.
Ikinagalit ng mga estudyante ang nasabing suspensyon kayat sumama sila sa kilos-protesta na ikinagulat naman ng mga opisyal ng paaralan lalo na nang maglabasan ang mga estudyante mula sa kanilang silid-aralan.
Nanawagan din sila sa Kalihim ng Edukasyon na si Jesli Lapuz na imbestigahan ang mga problemang bumabalot sa kanilang paaralan pati na ang di maayos na pamamalakad ng kanilang principal na si Rosalina Santos.
Ayon naman kay Romeo Alip, superintendent ng Malolos City Schools na ikukonsulta niya ang sitwasyon sa pangrehiyong tanggapan ng DepEd.
Aniya, hindi na sakop ang problema dahil ang nagpalabas ng desisyon ay ang DepEd region III office.
Matatandaan na noong Setyembre 2006, nagsagawa ng mga kilos protesta ang mga guro at libu-libong estudyante ng nasabing eskuwelahan kaya pansamantalang magbabakasyon si Santos, na nagsampa naman ng kasong administratibo laban sa pitong guro. (Dino Balabo At Boy Cruz)