January 9, 2007 | 12:00am
LEGAZPI CITY Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 30-anyos na kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit ng mga rebeldeng New Peoples Army may ilang metro lamang ang layo sa kanyang bahay sa Sitio San Jose, Barangay 61 sa bayan ng Maslog, Legazpi City kahapon ng umaga. Ang biktimang kinaladkad palabas ng kanyang bahay bago pinaslang ay nakilala si Alvin Watiwat. Bandang alas-5 ng umaga nang pasukin ang bahay ng biktima habang ito ay natutulog. Hindi naman nakapalag ang asawat anak ng biktima sa takot na madamay sa insidente. Ang pagpaslang sa biktima ay isa lamang paghihiganti laban sa mga sundalo ng gobyerno.
(Ed Casulla)
Mag-ama grinipuhan sa terminal |
DINALUPIHAN, Bataan Pinaniniwalaang agawan sa pasahero kaya pinagtulungang saksakin at malubhang nasugatan ang mag-amang pedicab daryber ng mag-ama rin drayber sa bahagi ng pamilihang bayan ng Dinalupihan sa Bataan kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang mag-amang biktima na sina Jerry Lumanog y Salazar, 43, at anak nitong si Nomer Lumanog, 26, binata at kapwa nakatira sa Barangay Sta. Isabel. Samantala, ang mag-amang suspek na ngayon ay tugis ng pulisya ay nakilalang sina Justo Ceza y Aledia, 60; at anak na si Jerson Cezar, 25, na kapwa naninirahan sa Barangay Pentor, Dinalupihan. Ayon kay P/Senior Insp. Rogelio Rillon, hepe ng Dinalupihan PNP, nagsimula ang kaguluhan matapos hindi pumila ang pedicab ni Justo at kumuha ng pasahero sa terminal.
(Jonie Capalaran)
CAMP CRAME Hindi nagdalawang isip ang isang bagitong pulis na barilin at mapatay ang sariling kapatid na matanda na bumihag at umaway sa kanilang ina sa Pag-asa Drive, Mabini Extension, Digos City kamakalawa. Napuruhan ng bala ng baril ang biktimang si Jerson Ferenal, 37, samantalang sumuko naman sa mga awtoridad ang suspek na si PO1 Sherwin Ferenal ng 1st Company ng 11th Police Regional Mobile Group na nakabase sa Camp Catitipan, Davao City. Ayon sa ulat, bandang alas-4 ng madaling-araw nang dumating sa kanilang bahay ang senglot na biktima at hinihingan ng pera ang kanyang ina. Nang walang maibigay na pera ang ina ay hinostage ng biktima at binantaang papatayin, subalit eksaktong dumating naman ang suspek na pulis. Tinangkang saksakin ng biktima ang kanyang utol na pulis kaya napilitan itong barilin.
(Joy Cantos)