3 kinatay ng ‘thrill killers’

CAMP CRAME – Patay ang tatlo katao makaraang pagsasaksakin ng isang grupo ng mga kalalakihan na pawang sakay ng motorsiklo at hinihinalang ‘thrill killers’ na gumagala sa lalawigan ng Davao City, kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Richard Luceñara alyas Etad, 40-anyos, carwash/carwatch boy, residente ng Bonifacio St., Davao City; Gerand Maniwang alyas Renante, residente ng Bolton Isla; at Jimboy Generova, 18-anyos, binata, residente ng Barrio Tinago, Ubalde, bayan ng Agdao.

Batay sa ulat ng Davao City Police, ang mga biktima ay pawang nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa pananaksak ng hindi nakilalang mga suspek.

Nabatid na naganap ang unang insidente bandang ala-1 ng hapon habang natutulog sa gilid ng kalsada si Luceñara nang biglang nilapitan ng isa sa mga suspek at walang sabi-sabing inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Makalipas ang ilang oras ay isinunod namang pagsasaksakin ng mga suspek si Maniwang habang nakatayo sa Rizal St., ng nasabing lugar.

Ganap namang alas-11:30 ng gabi nang patayin sa pamamagitan ng pananaksak si Generova ng nasabi ring grupo habang masayang nakikipag-inuman sa ilang kaibigan sa Sunflower at Zunio St. sa Brgy. Ubalde.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang naturang mga insidente ng pagpatay. (Joy Cantos)

Show comments