Magkaibigan itinumba sa harap ng simbahan

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang magkaibigang lalaki ng mga hindi kilalang kalalakihang sakay ng motorsiklo habang ang mga biktima ay nagkukuwentuhan sa harap ng simbahan sa Bonifacio Street, Barangay Marinig, Cabuyao, Laguna kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa napatay na mga biktima ay nakilalang sina Karl Ann Cedillo, 27 at Hubert Alcones Marana, 28, na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay,  

Nasa kritikal na kalagayan naman si Benjie Baraquel, 25, na kasalukuyang ginagamot sa Saint James Hospital sa Calamba City, Laguna.

Ayon kay P/Senior Supt. Bernie Banalo, Cabuyao police chief, bandang alas-3 ng madaling-araw nang huminto sa harapan ng mga biktimang nagkukwentuhan ang isang motorsiklong may lulang dalawang kalalakihan at isinagawa ang pamamaslang.

Nakarekober ng 8 basyo ng kalibre 45 baril ang mga imbestigador ng pulisya mula sa pinangyarihan ng krimen.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Cabuyao police para madakip ang mga suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente habang inaalam pa rin ang motibo ng pamamaril. (Arnell Ozaeta, Ed Amoroso at Joy Cantos)

Show comments