Mag-asawa sinunog dahil sa utang

CAMP CRAME — Nakapanlulumong kamatayan ang sinapit ng mag-asawang magsasaka na pinaniniwalaang may malaking halaga na pagkakautang makaraang pagbabarilin ay sinunog pa ang mga biktima sa loob ng kanilang tahanan sa liblib na sakop ng bayan ng Amulung, Cagayan, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Magkayakap at nagmistulang uling nang madiskubre ng mga awtoridad ang katawan ng mag-asawang sina Leonita Malanar-Rosete, 57 at Henry Malanar, 38.

May teorya ang pulisya na ang mag-asawa ay pinaslang sa pagitan ng alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-2 ng madaling-araw may dalawang araw na ang nakalipas base na rin sa testimonya ng mga kapitbahay.

Sa salaysay ng mga kapitbahay, nakarinig sila ng sigawan at kaguluhan sa bahay ng mag-asawa, subalit hindi nila pinansin sa pag-aakalang nag-aaway lamang ang dalawa.

Base sa inisyal na resulta ng pagsusuri ng mga forensic expert, si Rosete ay binaril sa noo habang ang lalaki naman ay may palatandaang sinakal bago pinagbabaril at sunugin sa sariling bahay.

Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, lumilitaw na bago patayin ang mag-asawa may makailang ulit na itong dumudulog sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Amulung hinggil sa mga pagbabanta sa kanilang buhay, subalit walang aksyon ang mga alagad ng batas sa pagkikilanlan ng mga suspek.

Kabilang sa mga anggulong sinisilip ng mga tagapagsiyasat ay ang malaking halaga na inutang ng mag-asawa sa hindi pa nabatid na indibidwal.

Show comments