2 sekyu dinedo sa guardhouse
CAMARINES NORTE Pinaniniwalaang may matinding atraso ang dalawang sekyu kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang kalalakihan sa mismong guardhouse ng JCET Resources Mining Corp. na binabantayan ng mga biktima sa Barangay Pinagbirayan Malaki, Paracale, Camarines Norte kamakalawa. Napuruhan sa ibat ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Benjamin Sulit, 40; at Yodel Encinas, 41, kapwa security guard ng Chevron Security Agency at mga residente ng Barangay Alawihao, Daet, Camarines Norte. Base sa ulat ng pulisya, ganap na alas-12 ng hatinggabi nang ratratin ang mga biktima habang nakatayo sa nasabing lugar. Wala naman tinangay na gamit ang mga killer na ang pakay lamang ay gantihan ang dalawang sekyu. (Francis Elevado)
BATAAN Maagang kinalawit ni kamatayan ang isang 7-anyos na totoy makaraang masalpok ng van sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Tuyo, Balanga City, Bataan noong Lunes ng hapon. Ang biktimang namatay habang ginagamot sa ospital ay nakilalang si Jerico Castillo ng Sunshine Subd. ng nabangit na barangay. Sumuko naman ang drayber ng Kia Pregio (TET-662) na si Rodolfo Rosas, 54, ng Barangay Pagalanggang, Dinalupihan, Bataan. Ayon kay PO2 Jayjay Taganas, biglang tumawid ang biktimang nagbibisikleta kaya nahagip ng sasakyan ni Rosas. Agad naman binitbit ni Rosas ang biktima sa pinakamalapit na ospital, subalit namatay din. Nangako naman si Rosas na sasagutin ang gastusin sa ospital at pagpapalibing sa biktima. (Jonie Capalaran)