January 2, 2007 | 12:00am
Lola ginulpi ng kawatan, kritikal |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Nagbagong taon sa ospital ang isang 86-anyos na lola makaraang gulpihin ng dalawang magnanakaw na nanloob sa tahanan ng biktima sa Purok 4, Barangay Batobalani, Paracale, Camarines Norte kahapon ng madaling-araw. Ang biktimang ginagamot ngayon sa Camarines Norte Provincial Hospital ay nakilalang si Junanita Pena, samantalang tumakas naman ang dalawang kawatan matapos na malimas ang malaking halaga at mga alahas ng lola. Ayon sa pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang isagawa ng mga kawatan ang modus operandi, subalit natunugan ng biktima matapos na magising. Tinangkang manlaban ng biktima sa dalawa, subalit pinagtulungan siyang gulpihin.
(Ed Casulla)
Tresurero nagbaril sa sarili, dedo |
CAVITE Pinaniniwalaang hindi nakayanan ang matinding problemang kakaharapin sa pagsalubong sa Bagong Taon kaya nagdesisyong magbaril sa sarili ang isang 35-anyos na barangay treasurer sa loob ng sariling bahay sa Barangay Milagrosa, Carmona Cavite kahapon ng umaga. Ang biktimang nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at agad na kinarit ni kamatayan ay nakilalang si Rolly Dolfo ng Block 19 Lot 4 Phase 3 ng nabanggit na barangay. Hindi naman nagbigay ng detalye ang pamilya ng biktima tungkol sa motibo ng insidente habang iniimbestigahan ng pulisya ang kaso.
(Cristina Timbang)
2 binoga dahil sa paninita, grabe |
CAVITE Dalawang kalalakihang kasapi ng kilalang sekta ng relihiyon ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng isang drayber na nag-park sa harapan ng simbahan na sakop ng Barangay Kayquit, Indang, Cavite kamakalawa ng gabi. Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang mga biktimang sina Joselito Sidamon Jr., 53 at Eddie Buhay, 48; samantalang nasakote naman ang suspek na si Marco Abes, 43. Sa pagsisiyasat ni PO1 Houdini Cuevas, ganap na alas-11:30 ng gabi ng pumarada ang sasakyan (SDC-180) ng suspek sa harapan ng simbahan, subalit sinita ng mga biktima. Kinompronta ng suspek ang dalawa hanggang sa mauwi sa pamamaril. Agad naman nasakote ang suspek matapos na maparaan sa police checkpoint.
(Cristina Timbang)
P5M ari-arian naabo dahil sa paputok |
MALOLOS CITY, Bulacan Aabot sa P5 miltyong ari-arian ang naabo makaraang masunog ang isang bahay dahil sa pagsabog ng mga paputok sa Barangay Poblacion, Baliuag, Bulacan kahapon ng umaga. Ayon kay Fire Inspector Randy Zipagan, hepe ng Baliuag Fire Protection Office, naabo ang milyong ari-arian matapos masunog ang lumang bahay na may mga tindahan ng paputok sa silong nito sa nabanggit na barangay. Ayon sa mga nakasaksi, paputok ang sanhi ng sunog, subalit para kay Zipagan, kailangan pa ang dagdag na imbestigasyon upang malinawan kung ano ang tunay na sanhi ng sunog.
(Dino Balabo)